16/09/2025
Mahigit P34 milyon ang ginastos ng Manila SK Federation para sa tatlong araw na trip sa Bangkok, Thailand. Ayon sa ABS-CBN at TV Patrol, 667 SK officials ang lumahok mula sa siyam na batches. Bawat isa’y binigyan ng P33,990 para sa pamasahe, pagkain, hotel at seminar fee, dagdag pa ang P6,000 kada araw na allowance. Sa kabuuan, P34,617,300 ang nailabas mula sa kaban ng bayan.
Ngunit ayon sa mga itinerary na kumalat online, dalawang oras lang ang aktuwal na seminar na isiniksik pa sa lunch time. Ang masakit, mismong mga larawan mula sa Facebook posts ni SK Federation President Juliana Ibay ang naglantad: boat tours sa Damnoen Saduak Floating Market, elephant rides at feeding sa Chang Puak Camp, at gala sa mga tourist sites. Hindi capacity building kundi pasyal.
Depensa ng SK Federation: HIV awareness daw at international benchmarking. Dagdag pa ni Ibay, hindi raw ito bakasyon lang dahil may kasamang cultural immersion at aspeto ng turismo ng Thailand para raw hitting two birds with one stone.
Pero bakit mali ito:
1. Walang youth-led system sa Thailand. Paano kayo magbe-benchmark kung wala namang kaparehong institusyon tulad ng SK doon? Hindi ito international benchmarking. Ito ay cultural tour na inilusot bilang training.
2. Kung HIV ang usapan, mas mura at mas maraming makikinabang kung mismong HIV experts ng Thailand ang inimbitahan dito. At higit pa, sandamakmak ang HIV groups sa Pilipinas gaya ng LoveYourself, Red Whistle, Project Red Ribbon, at Red Cross na pinamunuan ni Dick Gordon. Araw-araw silang nagtuturo at lumalaban. Kung tunay ang malasakit, sila na sana ang sinuportahan.
3. Mandato ng SK ay malinaw sa RA 10742: representation ng kabataan sa barangay, at paggawa ng proyekto para sa edukasyon, sports, livelihood, health at environment. Walang probisyon tungkol sa junket o cultural immersion abroad. Ang trabaho ninyo ay maglatag ng programang makakatulong sa kabataan sa barangay, hindi maging travel influencer na binabayaran ng buwis ng bayan.
4. Turismo ang ginawang palusot. Kung turismo ang usapan, sana si Dick Gordon ang inimbita dahil may track record siya sa turismo at HIV advocacy — baka nakalibre pa kayo. Ano ang kinalaman ng SK Federation sa pagpapakain ng elepante?
5. Hindi tayo mayamang bansa. Bawat pisong buwis ay dapat iniingatan. Kung may malasakit kayo, dapat resourceful kayo: mag-training dito, makipagtulungan sa lokal na eksperto, at huwag gawing tour package ang kaban ng bayan.
Kaya’t narito ang hamon
* Nasaan ang training modules at kompletong dokumento mula sa St. Robert’s?
* Nasaan ang Re-Entry Action Plans na dapat isusumite ng bawat SK chairperson?
* Paano ninyo ipapaliwanag ang P51,900 gastos per person kapalit ng dalawang oras na seminar at tatlong araw na pasyal?
* Ano ang eksaktong output ninyo na hindi kayang gawin dito sa Pilipinas kasama ang mga eksperto at organisasyong matagal nang nagtatrabaho para sa HIV awareness?
* Nasaan ang evaluation framework na magpapakita ng measurable outcomes ng training? May baseline ba kayo at post-training survey para masabing may nadagdag na kaalaman?
* Ano ang monitoring and evaluation plan ninyo para masigurong ang natutunan sa Thailand ay maisasalin sa mga programa sa barangay?
* Paano ninyo ipapakita ang cost-benefit analysis na magsasabing justified ang 34 milyon kumpara sa mas mura at mas epektibong local training?
Kung wala kayong maipakita, malinaw na junket ito, hindi training. Ang babata ninyo pa pero marunong na agad magpalusot at magbaluktot ng dahilan. Hindi ito leadership. Ito ay lechonship. Ginawang handaan. Ginawang gala. Ginawang photo ops ang kaban ng bayan.
Kaya’t mahiya kayo. Hindi tayo mayamang bansa para gawing travel fund ang pondo ng kabataan. Kung totoong kayo ang pag-asa ng bayan, patunayan ninyo. Dahil sa ngayon, ang pinakita ninyo ay kabataang baluktot na agad kahit hindi pa nagsisimula.
Hindi ito Sangguniang Kabataan. Mukhang ito ay Sangguniang Katiwalian. At dapat busisiin ng COA, imbestigahan ng Ombudsman, at kung may pananagutan, panagutin hanggang sa dulo.