21/06/2026
Mga tatay sa construction industry, alam natin na hindi madali ang buhay sa site. Maraming umaga na maaga tayong umaalis habang tulog pa ang mga anak natin, at maraming gabi na umuuwi tayong pagod na pagod. Minsan hindi natin naaabutan ang school program, birthday celebration, o simpleng hapunan sa bahay. Pero bawat pawis na tumutulo sa trabaho ay tahimik na pagsasabi ng, “Anak, ginagawa ko ito para sa’yo.”
Sa industriya natin, madalas nakikita ng tao ang natapos na building, warehouse, o bahay. Pero hindi nila nakikita ang mga sakripisyong nakatago sa likod nito, ang mga tatay na nagtitiis sa init ng araw, ulan, puyat, at pressure para lamang may maipakain sa pamilya at may maipambayad sa pag-aaral ng mga anak. Ang bawat pundasyong binubuhos natin ay hindi lang para sa proyekto, kundi para rin sa kinabukasan ng ating pamilya.
Ngayong Father’s Day, saludo ako sa lahat ng ama sa construction industry, mula laborer, mason, carpenter, foreman, engineer, architect, project manager, hanggang contractor. Hindi man tayo perpekto, pero araw-araw tayong lumalaban at nagsisikap. At balang araw, kapag nakita ng ating mga anak ang lahat ng ating pinagdaanan, maiintindihan nila na ang pinakamagandang proyektong itinayo natin ay hindi ang mga gusali, kundi ang buhay at kinabukasang inihanda natin para sa kanila.